MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang mga barangay na muli ang mangangasiwa sa pagkakaloob ng monthly monetary allowance sa mga senior citizen ng Maynila mula sa Manila City Government.
Kasunod ito ng mga reklamong natanggap ng alkalde at ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), na pinamumunuan ni Elinor Jacinto, mula sa mga senior citizen na hindi naman umano nila makuha ang ayuda ng pamahalaang lungsod sa PayMaya.
Anang alkalde, nagpasya siyang ibalik na lang muli sa barangay ang pamamahala ng distribusyon ng kanilang monthly allowance para mas madali at mas mabilis nila itong matanggap.
Sa kanyang ‘Kalinga sa Maynila’ forum sa Tondo, binigyang pansin ni Lacuna ang mga reklamo ng mga seniors na marami sa kanila ay hindi nagagamit ang kanilang PayMaya.
Hindi rin umano sila makapag-withdraw dito.
Dahil marami na ring senior citizen ang makakalimutin na, kadalasan ay nakalimutan nila ang kanilang pin number habang ang iba naman at nakalimutan kung saan nila nailagay ang card.
“Diretso na sa barangay ninyo ang allowance para diretso ho sa inyo. Kasi, napakaraming nagpupunta sa opisina ko at nagrereklamo,” aniya pa.