MANILA, Philippines — Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon na ligtas nang kainin ang mga isda at seafood na galing sa Navotas matapos na maresolba ang nangyaring oil spill.
Kasabay ng kanyang pamamahagi ng ayuda sa mga mangiginigisda, idinagdag pa ng pangulo na wala nang dapat pang ikabahala ang mga mangingisda, gayundin ang publiko mula sa pagkain ng mga isda at seafoods na nabibili sa Navotas City.
Tiniyak din ng Pangulong Marcos na maging ang tubig at hangin sa Navotas at ligtas na at walang panganib sa kalusugan ng mga residente.
Anang Pangulong Marcos, tagumpay ang pagseselyo sa oil leak at pagtatanggal ng 1.4 milyong langis ng Philippine Coast Guard mula sa katubigan ng Navotas. Malapit na rin aniyang matapos ang pagsipsip sa mga natitirang langis.
Samantanla, naghiyawan naman sa Navotas Sports Complex ang mga Navoteño nang i-anunsyo ng Pangulong Marcos ang dagdag na P2,500 sa P5,000 ayuda sa mga mangingisda na tinamaan ng oil spill sa Navotas City. Ito’y bukod pa sa 10 kilo ng bigas.
Pabirong sinabi ni Marcos na bagama’t siya ay Ilocano, magiging P7,500 na ang matatanggap na ayuda ng mga mangingisda bilang pasasalamat sa kanyang kaarawan.