144 tonelada ng carrots at sibuyas, kinumpiska ng DA at BOC
MANILA, Philippines — Kinumpiska ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) ang 144 tonelada ng carrots at sibuyas na nakasilid sa limang container van na walang sapat na dokumento .
Ang undocumented shipment ng naturang mga gulay na nagkakahalaga ng P21 milyon ay sakay ng barkong SITC Licheng na nakahimpil sa Port of Subic.
Ayon sa DA, ang naturang mga gulay ay galing mula sa China sa pamamagitan ng Betron Consumer Goods Trading.
Personal na pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang inspeksiyon sa mga kalakal sa Port of Subic kasama sina BPI Director Glen Panganiban, Customs Deputy Commissioner Juvymax R. Yu at Subic Customs Collector Ricardo U. Morales, ang mga kalakal ay pawang carrots at dilaw na sibuyas pero naideklara ito ng Betron na frozen fish egg balls.
Ani Secretary Tiu laurel, ang importer ng naturang mga produkto ay walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) mula sa BPI. Kung naideklara naman anyang frozen fish egg balls ang mga produkto ay dapat itong may permits mula sa Food and Drug Administration.
“Clearly, these are smuggled goods that rob our government of tariff revenue, pose a risk to public health, and undermine the livelihood of our vegetable farmers,” sabi ni Secretary Tiu Laurel.
Patong patong na kaso ang kakaharapin ng naturang importer dahil sa kawalan ng kaukulang papeles ng naturang mga agri products.
- Latest