MANILA, Philippines — Nagpatupad ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng provisionary service kahapon matapos na dumanas ng problema sa power supply.
Sa abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), sa kanilang social media accounts dakong alas-7:23 ng umaga, nabatid na nagpatupad ang LRT-2 ng provisionary service o limitadong operasyon mula Antipolo Station hanggang V. Mapa Station at pabalik.
“Pansamantalang nagpapatupad ng provisionary service ang LRT-2 dahil sa power supply problem. Ang biyahe ng tren ay mula Antipolo hanggang V. Mapa station lamang at pabalik,” anunsiyo pa ng LRTA, na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2.
Nangangahulugan ito na walang biyahe ang mga tren ng LRT-2 sa mga istasyon ng Pureza, Legarda, at Recto sa Maynila.
Samantala, dakong alas-12:30 naman ng tanghali nang muling magpaabiso ang LRTA na balik na sa normal ang operasyon ng LRT-2.
“Balik-normal na ang operasyon ng LRT Line 2. May biyahe na mula RECTO STATION hanggang ANTIPOLO STATION at pabalik. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa!” anang LRTA.