MANILA, Philippines — Nalambat sa ikinasang entrapment operation ang dalawang babae at isang lalaki na sangkot sa ‘sangla kolekta-benta’ modus na umabot na sa halagang P10-milyon ang natangay sa mga biktima, sa isang restaurant sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Alec”, 28, alyas “Christina”, 48; at alyas “Daniel”, 36.
Umabot naman sa 15 ang biktima ng mga suspect.
Sa ulat ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District (SPD), alas-3:00 ng hapon nang hulihin ang mga suspek sa loob ng isang restaurant sa Poblacion, Muntinlupa City.
Sa reklamo ng mga biktima, isang bahay na matatagpuan sa Sucat, Muntinlupa ang ipinakikitang isinasangla at pangako na maaaring tirahan pansamantala ang bahay hanggang hindi pa tinutubos at sakaling mabigong tubusin ay mapupunta na ang pag-aari sa tumanggap ng sangla at isa pa ay ang malaking kikitain sa interes habang nakasangla ang bahay.
Upang makumbinsi ang mga biktima, naging pamato ng mga suspek ang notaryadong kontrata upang palabasin na legal ang transaksyon.
Nang makipagkita ang mga suspek sa isang restaurant sa mga biktima ay kumagat sa pain na malaking halaga ng pera.
Sa beripikasyon, natuklasan na si alyas Alec ay convicted sa kasong Batas Pambansa 22 (Bouncing Check Law) sa Valenzuela Metropolitan Trial Court Branch 101, na pinagbabayad ng multang ?400,000.00 at ?1-milyong civil liability.
Habang isinasagawa ang booking sa mga suspek, naglutangan pa ang iba pang nabiktima na maghahain ng karagdagang kaso ng large-scale o syndicated estafa.