MANILA, Philippines — Handa na ang Quezon City Jail sa pagdating ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at iba pang kasamahan nito.
Ito ang tiniyak ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera kaugnay ng posibleng paglilipat ng kulungan ni Quiboloy.
Nabatid na may inilabas na kautusan si Quezon City Regional Trial Court Branch 106 Presiding Judge Noel L. Parel na ilipat sa QC Jail sa Payatas Road sina Quiboloy at Cresente Canada sa New Quezon City Jail, habang sa Quezon City Jail - Female Dormitory sa Camp Karingal naman sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes.
Ayon kay Bustinera, ininspeksiyon na rin nila ang pasilidad at pagkukulungan kay Quiboloy na isang ordinaryong selda lang.
Dagdag pa ni Bustinera walang espesyal o VIP treatment na ibibigay kay Quiboloy at ituturing itong ordinaryong PDL.Subalit ayon kay
PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo mananatili sa PNP custodial center si Quiboloy at mga kasamahan nito dahil alinsunod sa utos ng Pasig RTC.
“Meron din pong inilabas na order po ang RTC Pasig directing the PNP to retain the custody nitong mga nasabing indibiduwal dahil ‘yung kaso po nila sa Pasig po ay non-bailable po,” ani Fajardo.
Binigyan diin ni Fajardo na hindi nila maaaring isugal ang paglilipat ng custody kay Quiboloy at sa apat na iba pa sa posibilidad na magpiyansa ang mga ito at mawalan ng kontrol ang PNP.
Nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa Pasig Regional Trial Court Branch 159 sina Quiboloy.