Sa pagkatakas ni Alice Guo
MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinibak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Bureau of Immigration (BI) chief Norman Tansingco.
Ang pagsibak kay Tansingco ay may kaugnayan sa pagtakas ni dating Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo at makalabas ng bansa
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, tanggal na sa puwesto si Tansingco.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na gugulong ang ulo ng mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa pagtakas ni Guo
Si Guo ay sangkot sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Nahaharap din si Guo sa kasong human trafficking at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala ibinunyag ng BI kahapon na walang Philippine immigration stamps ang pasaporte ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na indikasyon na hindi ito dumaan sa kanila nang lumabas ng bansa.
Ayon kay Tansingco, kaagad na nirebyu ng BI ang Philippine passport ni Guo, na iprinisinta pagdating niya sa Pilipinas noong Setyembre 6.
Nabatid na sa pasaporte ni Guo na inisyu noong Setyembre 4, 2020 sa Angeles at balido hanggang 2030, nakasaad na siya ay ipinanganak sa Tarlac, Tarlac.
“We have reviewed the contents of her passport upon her arrival and found out that she has the same immigration stamps as her alleged sister Shiela,” ani Tansingco.
Aniya pa, walang Philippine stamps ang nakita sa kapwa pasaporte na ibig sabihin na ilegal silang lumabas ng bansa nang hindi dumaan sa regular immigration inspection.”
Nagpahayag din si Tansingco ng paniniwala na ang mga pahayag ni Guo ay magbibigay ng linaw sa ilegal na paglabas nito ng bansa at isyu ng pagtatayo ng illegal online gaming sa Pilipinas.