3 Chinese huli sa pagdukot sa Malaysian
MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong Chinese national na sangkot sa pagdukot sa isang Malaysian national, sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw,
Kinilala ang mga suspek na sina Li Xue Chang, 3; Huang Guanghong, 27 at Wang Yefu, 24, pawang residente ng Shore Residences sa Pasay City.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang pagdukot sa 42-anyos na Malaysian national, noong gabi ng Setyembre 6, 2024 at natuklasan ito ng kaibigan ng biktima na isa ring Malaysian national sa pamamagitan ng ipinadalang Telegram ng mga suspek na nanghihingi ng ransom.
Sa Telegram din ipinadala ang mga larawan na nagpapakita ng pag- torture sa biktima kaya idinulog niya ito sa Parañaque City Police Station.
Agad na inilatag ang entrapment operation at pagsapit ng alas-5:30 ng umaga ay matagumpay ang operasyon nang mailigtas na ang biktima at madakip naman ang tatlong suspek sa Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong unit ng kalibre .45, anim na magazines, 38 rounds ng ammunition, isang bolo, isang pocket knife, apat na cellular phones, boodle money, at isang silver Mitsubishi Adventure na ginamit sa krimen.
Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatiba sa matagumpay at ligtas na pagsasalba ng biktima.
Ipaghaharap ng reklamong kidnapping, paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Batas Pambansa Bilang 6 (An Act Regulating the Sale, Use, and Possession of Bladed, Pointed, or Deadly Weapons).
Inaalam din ng pulisya kung may iba pang iligal na aktibidad na kinasasangkutan ang mga suspek.
- Latest