MANILA, Philippines — Sinamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may P38.9 milyong halaga ng mga counterfeit products tulad ng mga pekeng bags, Oakley at Rayban products sa isinagawang magkahiwalay na operasyon ng mga operatiba sa Pampanga at Binondo, Maynila.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang mga nakumpiskang kontrabando ay batay sa 17 search warrant na naipalabas ng korte kaugnay nang naging paglabag sa RA 8293 o Intellectual property Code of the Philippines ng ibat- ibang establisimento sa naturang mga lugar.
Ayon kay Santiago, sa Angeles City Pampangga, nasa P15.9 milyong halaga ng counterfeit items ang nasamsam mula sa Fabiano MNL Trading, Two Six Eight Shoppers at Happy Go Shopping center at sa Save Star at GT7 Go Shoppe Department Store sa San Fernando Pampanga na pawang nagbebenta ng pekeng eyewear at bags.
Nakumpiska naman mula sa Tick Tock Watch Store at DMF Fashion and Accessories Shop sa 168 Shopping Mall, Binondo, Manila ang mga pekeng Oakley at Rayban na may halagang P22,9 milyon.
Ang Search Warrants ay nag- ugat sa reklamo ng Quisumbing Torres Law Office na ang kanilang kliyente ay naaapektuhan na ang negosyo dahil sa mga naglipanang pekeng Oakley at Rayban products sa bansa.
Kaugnay nito, nanawagan si Director Santiago sa publiko na huwag bilhin ang mga pekeng produkto upang maiwasang mabiktima ng mga tiwaling negosyante.