Salisi sa ospital, timbog ng biniktimang sekyu

Arrested stock photo.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaking ‘salisi’ nang mismong security guard na kaniyang nabiktima ang umaresto sa kaniya, sa  loob ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC), kahapon ng umaga.

Kinilala ang suspek na si alyas “Carlito”, 30, miyembro ng Sigue Sigue Sputnik Gang, at nakatira sa  Pabahay 2000, Muzon, Bulacan.

Sa ulat ng Manila Police District-Alvarez Police Community Precinct-Police Station 3, nai-turn-over sa kanila ang suspek ng biktimang si Valeriano Gumanad, at kasamahang lady guard na si Paula Jane Dacaymat.

Sa imbestigasyon, dakong alas- 7:10 ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng nabanggit na ospital.

Abala umano ang sekyu na si  Gumanad sa pag-alalay sa mga pasyente ng ospital sa pharmacy area at hindi napansin na nilapitan ng suspek ang wallet niya na nakapatong sa mesa kung saan siya naka-duty.

Nasaksihan ng kasamahang sekyu ang pagtangay ng suspek sa wallet kaya inalarma ang biktima at hinabol agad ang suspek na nagresulta sa pagkaaresto nito.

Nakatakdang sampahan ng reklamong Theft ang suspek sa Manila City Prosecutor’s Office.

Show comments