Nagpakilalang opisyal ng Office of the President, nasakote ng NBI

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Omar Pimentel Moreno na hinuli sa Capitol Compound Bayombong Nueva Vizcaya dahil sa kasong  Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code (RPC).
Philstar.com / Jovannie Lambayan, file

MANILA, Philippines — Nasakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nagpapakilalang opisyal ng Office of the President.

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Omar Pimentel Moreno na hinuli sa Capitol Compound Bayombong Nueva Vizcaya dahil sa kasong  Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code (RPC).

Nakarating sa NBI na si Moreno ay nagpapakilalang Head ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs mula sa tanggapan ng Pangulong Ferdinand Marcos jr.

Sinasabing si Moreno ay naimbitahan bilang isa sa resource person sa 1st Gaddang IPS Congress sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa pagberepika ng NBI sa Office of Deputy Executive Secretary for Finance and Administration, napatunayan na si Moreno ay hindi konektado sa naturang tanggapan

Bunga nito, habang nasa naturang okasyon, si Moreno ay hinuli ng mga operatiba ng NBI.

Bago hulihin, nagawa pang makausap ng mga undercover agents ng NBI si Moreno at nagpakilala sa kanilang opisyal ng Office of the President at may kapasidad siyang magrekomenda  sa tanggapan ng Pangulo kung nais mag-aplay .

Sinabi pa nito na kilala niya ang Presidential son na si Congressman Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos at Ge­neral Thompson Lantion na  Secretary Genera-Partido Federal ng Pilipinas.

Takda nang isailalim sa inquest sa naturang kaso si Moreno dahil sa nagawang kasalanan.

Show comments