2 pang kaso ng mpox naitala sa Quezon City
MANILA, Philippines — Nanawagan sa publiko si Quezon City Mayor Joy Belmonte lalo na sa mga taga-lungsod na ugaliing maghugas ng kamay at lumayo sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng mpox.
Ang panawagan ay ginawa ni Mayor Belmonte nang muling makapagtala ng ikalawa at ikatlong kaso ng mpox sa lungsod.
Ayon sa QC Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), ang ikalawang mpox patient ay isang 29-anyos na lalaki at ang ikatlo naman ay isang 36-anyos na lalaki. Ang dalawa ay kapwa sumasailalim sa home isolation at pinagkakalooban ng kaukulang medical attention mula sa lokal na pamahalaan.
“Hindi biro ang mpox. Malala ang epekto nito, lalo na sa mga taong mahina ang immune system kaya napakahalaga na tayo mismo ay mag-ingat para hindi makakuha ng virus, at hindi tayo makahawa pa. Ugaliin pa rin ang paghuhugas ng kamay, at lumayo sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng mpox,” sabi ni Mayor Belmonte .
“Kung may sintomas kayo ng mpox, agad nang pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para magpatingin. Hindi namin kayo papabayaan at handang tumulong ang lokal na pamahalaan para sa inyong mabilis na pagpapagaling,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon sa QCESD, ang ikalawang mpox case ay nagsimulang kakitaaan ng sintomas nang magkaroon ng mouth lesion at nagpa check up kinabukasan, kung saan nagpositibo sa naturang karamdaman.
Ang ikatlong kaso ay nakaranas na lagnatin at kinakitaan ng rashes sa balat. Ang specimen nito ay dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at nagpositibo sa mpox.
Ayon kay Mayor Belmonte, patuloy ang QCESD sa pagsasagawa ng contact tracing efforts at matamang sinusubaybayan ang mga identified individuals na na-exposed sa naturang mga pasyente.
Noong nakaraang dalawang linggo, iniulat ng QC LGU ang unang kaso ng mpox sa lungsod ay isang 37-anyos na lalaki at sumasailalim sa gamutan at home quarantine.
- Latest