Sinita dahil sa pagkakalat
MANILA, Philippines — Arestado ang isang security guard matapos ang isinagawang follow-up operation ng Quezon City Police District (QCPD) bunsod ng pamamaril sa isang basurero dahil sa pagkakalat nito, kahapon ng umaga .
Arestado ang suspect na si Remwil Garcera, 58, security guard ng Kamay Kainan at residente ng Brgy. Tandang Sora, Quezon City.
Ginagamot naman ang biktimang si Mark Oliveros, 37 ng Brgy.Commonwealth, QC.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-10 ng umaga sa harap ng Kamay Kainan sa panulukan ng Malamig St. at Kalayaan Avenue, Brgy. Central, Quezon City.
Lumilitaw na sinita ng suspek ang biktima dahil sa umano’y pagkakalat nito sa harap ng nasabing restaurant.
Ikinagalit ng biktima ang paninita hanggang magkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa pagpulot ng bato ng una.
Sa akmang babatuhin ng biktima ang suspek, dito na binunot ng huli ang kanyang 38 caliber service firearm at tatlong beses na pinaputukan ang biktima.
Nagtamo ng tama sa kanang tiyan ang biktima at ngayon ay ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Sa mabilis na responde ng QCPD, nakuha sa suspek 38 caliber revolver, 6 na live ammunitions at tatlong basyo habang inihahanda ang kasong frustrated homicide.