MANILA, Philippines — Binigyang-diin kahapon ng Supreme Court (SC) na hindi maaaring magpatupad ng rates ang National Telecommunications Commission (NTC) sa telecommunications (telco) companies nang hindi dumaraan sa due process.
Ito ang naging ruling ng SC Second Division, na iniakda ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, matapos na isantabi ang kautusan ng NTC na nagpapataw ng bagong billing scheme para sa telco companies.
Base sa record ng hukuman, nabatid na noong 2009, nagpatupad ang NTC ng six-second-per-pulse billing scheme para sa voice calls, na nag-oobliga sa telco companies na i-charge ang mobile phone users para lamang sa actual usage
Nauna rito, sinisingil ng mga kompanya ang mga users ng per minute sa tawag, kaya’t kahit hindi natapos ang isang minutong tawag, ay awtomatikong icha-charge ito bilang isang minuto.
Malaunan, inisyuhan ng NTC ng Show Cause Orders (SCOs) ang mga telco companies.
Kinuwestiyon naman ng mga telcos ang kautusan sa Court of Appeals (CA), at sinabing lumabis ang NTC sa kanilang awtoridad na i-regulate ang rates nang ipatupad nito ang bagong billing scheme na paglabag sa kanilang karapatan sa due process.
Isinaisantabi naman ng CA ang kautusan ng NTC.
Malaunan ay kinatigan din ng mataas na hukuman ang desisyon ng CA.
Paliwanag nito, bagamat ang NTC, sa ilalim ng Republic Act No. 7925 o The Public Telecommunications Policy Act, ay may kapangyarihan upang i-regulate ang rates, ay dapat na ito ay patas sa kostumer at telcos.
Giit nito, hindi maaaring magtakda ang NTC ng rates nang hindi pinahihintulutan ang telco companies na isatinig ang kanilang mga hinaing o apela, bilang bahagi ng due process.