MANILA, Philippines — Patuloy na kinakanlong ng Quezon City local government ang may 133 pamilya sa mga paaralan sa lungsod dulot nang walang humpay na pag-ulan sanhi ng habagat.
Ayon kay Peachy de Leon, spokesperson ng QC Disaster Risk Reduction Management Office, alas-8:30 ng umaga ay may 112 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa Diosdado Macapagal Elementary School at 21 pamilya ang kinakanlong sa Bagong Silangan Elementary School.
Anya nagkaloob ng hotmeals ang Social Services Disaster Department (SSDD) ng QC Hall sa naturang mga evacuees.
Bagamat walang suspension ng klase sa buong Quezon City kahapon, nilinaw naman nito na ang naturang mga paaralan na pansamantalang tinuluyan ng mga evacuees ay kanselado ang pasok.
Sinabi ni De Leon na patuloy namang nakaantabay ang QCDDRMO sa sitwasyon kaugnay ng patuloy na pag-ulan para tumugon sa anumang untoward incidents.
Samantala, bumaba na ang pagbaha sa Araneta Avenue sa may Tatalon area, Del Monte Avenue, Barangay Nagkaisang Nayon, E Rodriguez sa may barangay Damayang Lagi, Scout Ojeda sa may Mother Ignacia,Gumamela sa may Barangay Roxas District, Quirino Highway sa barangay greater Lagro makaraang dumanas nang pagbaha dulot nang walang puknat na pag-ulan sa Quezon City.