Sasali sa anti-government rallies
MANILA, Philippines — Hinarang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong Malaysian national na nagpakilalang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang tatlong pasaherong Malaysian ay agad isinakay pabalik sa isang flight papuntang Malaysia noong Agosto 28 matapos silang pagbawalang pumasok sa bansa.
Dumating umano ang tatlong Malaysian sa NAIA Terminal 1, gabi ng Agosto 27 sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight mula Kuala Lumpur. Sila ay kinilalang sina Jessica Lynn Henry, Mimielianna Annie Anak Leesoi, at Andrijosebaul Anak Garra; pawang nasa mid-20s ang edad.
Ang tatlo ay dumating sa NAIA kasama ang isang grupo ng mga Pilipino na mga miyembro ng KOJC na kalaunan ay “tinalikuran” ang tatlo matapos silang i-refer para sa karagdagang inspeksyon sa imigrasyon.
Ayon kay Tansingco, hindi pinapasok ang mga Malaysian dahil malamang na maging public charge, matapos silang ma-flag dahil sa kahina-hinalang layunin sa bansa, na posibleng sumama sa mga pagkilos ng KOJC laban sa gobyerno.
Sa incident report ng BI, ang tatlong Malaysian ay pupunta umano sa Davao City sa imbitasyon ng KOJC sa Davao City na hinahalughog naman ngayon ng PNP upang mahanap ang wanted na si Quiboloy na hinihinalang nasa compound pa rin ng KOJC.
Gayunman, hindi nakapagpakita ang tatlong dayuhan ng patunay ng kanilang kakayahan sa pananalapi upang suportahan ang kanilang pananatili sa bansa at inamin na sila ay walang trabaho.
Ang isa sa mga dayuhan, habang iniinterbyu, ay hindi sinasadyang ipinakita sa mga superbisor ng BI ang kanyang mobile phone na may screenshot ng Excel ng iba’t ibang anti-government slogan tulad ng “BBM Resign,” “Stop KOJC Injustices,” at “AFP/PNP Protect the People. ”
Nang tanungin na ipaliwanag ang screenshot, sinabi ng pasahero na aksidente niyang na-download ang nasabing mga slogan mula sa kanyang Facebook/Messenger page.
Giit ng BI, ang mga dayuhan ay hindi pinapayagang manghimasok o makialam at sumali sa panloob na mga gawaing pampulitika ng bansa, kaya ang mga dayuhan sangkot sa mga kilos-protestang ito ay maaaring mapatalsik dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas at sa pagiging hindi kanais-nais na mga dayuhan.
Ang tatlong Malaysian ay inilagay sa immigration blacklist at pinagbawalan na makapasok sa bansa.