1 patay, 3 sugatan sa nag-iisang holdaper

Himas rehas naman ang suspek na si Arnel Abrasado Asoy, 31, ng Brgy. 626, Sta. Mesa, Manila.
STAR / File

MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki, habang tatlo naman ang sugatan matapos na pagsasaksakin ng isang  holdaper, kamakalawa sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Christian Zorbito Dahes, 33, ng Brgy. Sto. Domingo, Quezon City habang ginagamot naman sa Quezon City General Hospital sina John Aaron Kabigting, 16 at Jonalyn Mazo Guerrero, 38.

Himas rehas naman ang suspek na si Arnel Abrasado Asoy, 31, ng Brgy. 626, Sta. Mesa, Manila.

Lumilitaw sa report ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa harap ng NBI Office sa Maria Clara corner Araneta Avenue, Barangay Sto. Domingo, Quezon City.

Batay sa salaysay ng saksi nakita niyang pinagsasaksak ng suspek si Dahes saka tumakas dala ang balisong.

Nakasalubong naman ng suspek si Kabigting na kanyang hinoldap subalit nanlaban at tumakbo na sinundan pa rin ng suspek hanggang sa makorner at sinaksak din.

Dito na sumaklolo ang biktimang si Guererro na tinangka ring holdapin ng suspek saka sinaksak.

Tiyempong nagpapatrolya ang mga pulis na sina PMSG Mark Joseph Alonte at PCpl Mark Anthony Bassig ng PS-1, QCPD sa lugar at inaresto ang suspek.

Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa kanya.

Show comments