MANILA, Philippines — Umabot sa 79 na wanted persons ang nadakip sa isang buong magdamag na operasyon ng pwersa ng Southern Police District (SPD), iniulat kahapon.
Sinabi ni SPD Director P/Brig. General Leon Victor Rosete, kabilang sa mga nadakip ang. dalawang babaeng kabilang sa Most Wanted Persons na sina alyas “Marites,” 57, na nagtago ng 10 taon sa kasong illegal drugs; isang alyas “Annie”, 29, na nagtago ng 5 taon sa 2 two counts ng Batas Pambansa Blg. 22 o Bouncing Checks Law.
Isa ring Most Wanted na si alyas “Crisaldy” na inisyuhan ng Order of Arrest and Recommitment, na nagtago ng 8 taon, matapos labagin ang ipinagkaloob sa kaniya ng Board of Pardon and Parole.
Ang Pasay CPS ay nadakip din ang may 5 taon nang nagtago na si alyas “Roel,” 46, na walang kaukulang piyansa ang kasong Section 6 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ang SPD-District Special Operations Unit (DSOU), District Mobile Force Battalion (DMFB), District Traffic Unit (DTU) at District Anti-Carnapping ay tig-iisa ang naging operasyon.