MANILA, Philippines — Ikinakamada na sa Quezon City government ang batas sa pagbili ng lokal na pamahalaan sa mga alagaing baboy ng mga residente dito.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, bagama’t mayroon nang batas na Zero Agri farm sa Quezon City o pagbabawal sa pag-aalaga sa mga livestock products tulad ng manok at baboy ay may ilan pa rin ang natutuklasang mayroon pa ring nag- aalaga ng baboy sa kanilang mga bakuran.
Anya ang pag- aalaga ng baboy ay hindi pinahihintulutan sa isang highly urbanized city tulad ng Quezon City.
“Bibilhin po natin ang mga baboy na makikita natin sa ating lungsod. Bawal po ang mag-alaga ng baboy sa isang highly urbanized City at ang mabibili nating baboy ay ibebenta naman natin sa Department of Agriculture”, sabi ni Mayor Belmonte.
Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte sa gitna na rin ng kampanya ng lokal na pamahalaan na maiwasang makapasok sa QC ang mga baboy na may African Swine Fever (ASF).
Anya may apat na animal checkpoint ang QC sa tulong ng Bureau of Animal Industry sa Commonwealth, Kapri, Balintawak at Tandang Sora upang maiwasang makapasok ang mga baboy na may ASF.
Sa naturang mga checkpoints, mayroon na anyang 188 baboy ang napigil na may ASF at 153 ay isinailalim sa pagsusuri ng BAI para matiyak kung walang sakit.