Smog mula Taal umabot na sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Umabot na sa Metro Manila ang Smog o Vog mula sa nag-aalborotong Bulkang Taal sa Batangas.
Ito ang sinabi ni Aldczar Aurelio, PAGASA weather forecaster, batay sa direksyon ng hangin na kanilang namomonitor mula sa lalawigan ng Batangas papuntang Metro Manila.
Linggo ng gabi anya nakaabot ang smog mula sa Bulacan puntang NCR.
Anya, hindi rin umano halos gumagalaw o kalmado ang hangin nitong Linggo ng gabi hanggang kahapon ng Lunes ng madaling araw dahil sa epekto ng high pressure area.
Kahapon (August 19), alas-8 ng umaga na dahil sa epekto ng sikat ng araw ay unti-unting umaangat ang vog pataas sa atmosphere.
Samantala, tatlong lungsod at isang bayan sa Metro Manila ang maituturing na mapanganib ang air quality kahapon.
Sa real time ambient air quality monitoring ng Environmental Management Bureau ng NCR, maituturing na unhealthy para sa mga sensitive groups ang hangin sa Caloocan, Parañaque at Pateros samantalang very unhealthy naman ang kalidad ng hangin sa Makati City.
- Latest