MANILA, Philippines — Kinansela ang pasok ng mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan sa mga lungsod ng Muntinlupa, Pasay at Las Piñas kahapon dulot ng panganib na maaring idulot sa kalusugan ng smog na inilalalabas ng Taal volcano.
Sa inilabas na advisory ng Schools Division Office ng Muntinlupa City, simula alas-10:00 ng umaga ng Agosto 19, suspendido ang face-to-face classes dulot ng unhealthy air quality ng volcanic smog.
Magsi-shift sa asynchronous mode of learning ang public schools.
Batay naman sa rekomendasyon ng Pasay City Disaster Risk Reduction and Management Office na inaprubahan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, ipinag-uutos ang suspensyon ng pasok (face-to-face classes) sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Pasay mula alas 11:00 ng umaga, Agosto 19 dulot ng “Poor Air Quality” mula sa ‘volcanic smog’ ng Bulkang Taal.
Iniiwan ang pagpapasya sa mga pamunuan ng paaralan ang learning modality na maaari nilang gamitin batay sa kanilang kakayahan.
Samantala, sa mga mag-aaral na nakapasok na sa eskwelahan, pinapayuhan ang mga ito na agad umuwi ng bahay upang hindi ma-expose sa mapanganib na smog.
Pinapayuhan at pinapaalalahanan din ni Mayor Emi ang publiko na ugaliing magsuot ng face mask sa lahat ng pagkakataon lalo na kung lalabas ng mga tahanan.
Sa abiso naman ng Las Piñas, pinag-iingat ang lahat sa banta sa kalusugan ng smog kaya dapat na magsuot ng face mask, kasabay ng pagdeklara na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa lungsod.