MANILA, Philippines — Patay ang isang 29-anyos na babae nang barilin ng dalawang ulit ng di umano’y lasing na security guard sa tapat ng Posadas Village¸sa Muntinlupa City, Huwebes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office, isang alyas “Myrna” ang binaril at nasawi.
Mabilis namang naaresto ang suspek na si alyas “Nilo, 39, security guard ng Posadas Village.
Dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa tapat ng nasabing village.
Sinasabi sa ulat na lasing ang suspek nang gawin ang pamamaril at nasaksihan ito ng kasamahang si alyas “Michael”, security guard na naka-duty sa main gate ng village.
Inireport ni Michael ang insidente sa kanilang officer-in-charge.
Sinabi sa pulisya ni Michael na dumating ang suspek na lasing na lasing at nagpakita ng kagaspangan ng ugali bago ang pamamaril.
Kasunod nito, hinugot ang baril nang wala namang dahilan at ipinutok sa biktima.
Alas-5:14 nang maaresto ang suspek at kinumpiska dito ang kalibre .38 na baril na may kargang 3 bala, at narekober din ang 2 basyo ng bala.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa krimen.