MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Ninoy Aquino International Airport Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang mahigit sa P35 milyong ng shabu na nagresulta sa pagkaka-aresto sa isang African national kamakalawa ng gabi sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Nakilala ang suspek na si Jolene Du Plessis, 37, isang South African.
Batay sa imbestigasyon, alas-6:50 ng gabi ng maharang ni Marie Janica Arboleda, X-ray Inspector ng BOC-NAIA si Plessis.
Ayon kay Arboleda, nagsasagawa siya ng X-ray inspection nang makita ang kahina-hinalang supot sa bagahe ni Plessis na sakay ng EY 424 na galing Abu Dhabi.
Nang buksan ang bagahe, bumulaga sa kanila ang plastic na naglalaman ng shabu.
Agad na nagsagawa ng confirmatory test ang PDEA at NAIA-IADITG kung saan lumabas na tumitimbang ng 5.265 kilo ang nasabat na Methampetamine Hydrochloride na nagkakahalaga ng P35,802,000.
Sinabi ng PDEA, nasa kustodiya ng NAIA-IADITG si Plessis at isinasailalim sa masusing imbestigasyon habang ang mga droga ay dinala na sa PDEA Drug Laboratory NHQ, para sa karagdagang pagsusuri.