MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng pekeng gamot na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan sa halip na ginhawa.
Kinumpirma ng FDA batay sa inilabas na advisories na may petsang Agosto 9, 2024 ang mga pekeng paracetamol na Biogesic 500 mg tablet, Phenylephrine HCI + Chlorphenamine Maleate + Paracetamol (Neozep®Forte) 10 mg/ 2 mg/ 500 mg Tablet1, at Diazepam (Valium®) 5 mg/mL (10 mg/2 mL) Solution for Injection (i.m/i.v.)”
Ang lahat ng healthcare professionals at publiko ay binabalaan tungkol sa paglipana ng nasabing pekeng gamot at nagpaalala na sa mga establisyementong lisensyado ng FDA lamang bumili.
Gayundin, ang lahat ng establisyemento ay binabalaang huwag magbenta ng pekeng gamot na nagtataglay ng mga nasabing katangian. Ang pag-aangkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay paglabag sa Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009, and Republic Act No. 8203 or the Special Law on Counterfeit Drugs. Ang sino mang mapatunayang nagbebenta ng nasabing pekeng produkto ay mapaparusahan.
Hinihiling sa lahat ng Local Government Units (LGUs) and Law Enforcement Agencies (LEAs) na tiyaking ang pekeng produktong ito ay hindi maibebenta o magagamit sa kanilang mga nasasakupan.
Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, maaring mag-email sa info@fda.gov.ph. Upang mag-report ng patuloy na pagtitinda o pangangalakal ng mga pekeng gamot, mag-email sa ereport@fda.gov.ph. Maaari ring tumawag sa Center for Drug Regulation and Research sa numerong (02) 8809-5596. Para sa mga hinihinalang hindi kanais-nais na reaksyon sa gamot, i-report agad sa FDA gamit ang link na ito: https://primaryreporting.who-umc.org/Reporting/Reporter?OrganizationID=PH at kumpletuhin ang mga kinakailangang impormasyon.