Mga maglalangoy sa tubig baha, ‘wag parusahan – Quezon City LGU

MANILA, Philippines — Ayaw parusahan ng Quezon City government ang mga taong makikitang naglalangoy sa tubig baha kung umuulan.

Ayon kay Ms. Peachy De Leon, dating QC Councilor at kasalukuyang spokesperson ng QC Disaster Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) na hindi na kailangan pang maparusahan ang mga taong makikitang naglalangoy sa tubig baha kapag may kalamidad dahil kailangan lamang na abisuhan ang mga barangay officials na pagbawalan ang mga tao sa paglangoy sa tubig baha.

“Paano kung talagang binaha sila? Bakit mo naman parurusahan ang mga naglangoy sa tubig baha, sila na nga ay naapektuhan nang pagbaha kaya sila ay lumangoy, masama naman yata na sila ay parusahan kung sila mismo ay mabiktima ng baha. Kausapin na lamang seguro na bawal ang paglangoy, ‘wag na ulitin pero ‘wag sana parusahan” sabi ni De Leon.

Ang pahayag ay ginawa nito bilang reaksyon sa mga pahayag na dapat parusahan ang mga makikitang naglalangoy sa tubig baha upang makontrol ang sakit na leptospirosis na mula sa ihi at dumi ng daga na naka contaminate sa tubig baha.

Binigyang diin naman ni De Leon na kung talagang nais na maparusasahan ang mga nalusong at naglalangoy sa tubig baha ay kailangan ang kaukulang batas para dito.

Sa ngayon, ang mga ospital sa Quezon City tulad ng East Avenue Medical Center at National Kidney Transplant Institute (NKTI) ay maraming pasyenteng nasa kritikal na kundisyon at kailangang sumailalim sa dialysis makaraang lumusong sa tubig baha.

Show comments