MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na itinuturong suspek sa pagpatay sa isang ambulance driver, ang nasawi nang manlaban habang inaaresto ng mga awtoridad sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga ito na sina Reymark Labarte, 23, Joy ride rider, residente ng Brgy. Western Bicutan, at Manros Guialal, 34, na residente ng Brgy. Maharlika, kapwa ng Taguig City.
Batay sa ulat ng Taguig City Police Station, dakong alas-2:50 ng madaling araw kahapon nang maganap ang engkwentro sa Eucalyptus St., Brgy. Western Bicutan.
Nauna rito, nagkaroon ng shooting incident sa tapat ng isang water station sa Seagull Avenue, Brgy. San Miguel, dakong ala-1:50 ng hapon kamakalawa, kung saan napatay si Bayani Remacha, 53, ambulance driver, at residente ng Brgy. San Miguel, Taguig City.
Kaagad namang natukoy ang mga suspek at natunton ang kinaroroonan ng mga ito, sa isinagawang CCTV back tracking at witness accounts ng mga imbestigador at tracker teams.
Mabilis ding nagtungo sa Eucalyptus St. ang mga pulis upang arestuhin sana ang mga suspek ngunit sa halip na sumuko ay nanlaban umano ang mga suspek, kaya’t nauwi sa engkwentro ang operasyon, at malaunan ay kanilang pagkamatay.
Narekober ng mga awtoridad mula kay Labarte ang dalawang kalibre .38 revolver na may 11 bala; isang magazine na may pitong bala para sa kalibre .45 at isang itim na Honda Click 125 motorcycle na may MV File no. 1336-0239684 at berdeng Nutshell Helmet, samantala, narekober naman mula kay Guialal ang isang kalibre .45 pistola na may limang bala.
Hinala ng mga awtoridad na ang krimen ay may kinalaman sa bentahan ng illegal na droga.