MANILA, Philippines — Inianunsiyo kahapon ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng kanilang mga tauhan sa tatlong illegal aliens sa kanilang head office sa Intramuros, Manila.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang tatlong dayuhan ay nasabat ng mga opisyal ng immigration regulation division (IRD) sa tatlong magkakahiwalay na okasyon matapos na mag-report sa BI hinggil sa kanilang bagong pasaporte.
Alinsunod sa immigration policies, kailangang i-report ng mga foreign nationals ang mga bagong passport at travel documents upang ilipat ang kanilang latest entry at visas mula sa kanilang lumang pasaporte.
Nabatid na Agosto 2 nang arestuhin ng BI ang Chinese na si Song Tiancheng, 25, matapos na matuklasang isa siyang wanted fugitive na nahaharap sa kaso para sa contractual fraud sa China.
Isang deportation case ang inihain laban sa kanya nitong unang bahagi ng taon matapos na impormahan ng Chinese authorities ang BI dahil sa nakabinbing kaso sa China.
Samantala, nasabat ng mga awtoridad noong Agosto 6 ang Taiwanese na si Tu En Cheng, 51, matapos na matuklasang siya ay subject sa isang summary deportation order na inisyu ng board of commissioners noong 2020.
Si Tu ay isang fugitive sa kanyang bansa para sa fraud, na nagtulak sa BI upang maghain ng undesirability laban sa kanya.
Nang sumunod na araw, inaresto ng mga awtoridad ang Chinese woman na si Dong Baolian, 39, matapos matuklasang isa siyang fugitive mula sa China at wanted sa kasong fraud.
Siya ay miyembro ng kumpanya na umano’y nagde-develop ng aplikasyon na ginagamit sa panloloko ng mahigit CNY 1.54 milyon mula sa mga biktima nito.
Ang tatlong dayuhan ay nananatili sa holding facility ng BI habang nakabinbin ang kanilang deportasyon.