Sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis
MANILA, Philippines — Kapos na ng gamot at kulang din ang nurses sa San Lazaro Hospital dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng na-admit hanggang nitong Sabado.
Pahayag ito kahapon ni Dr. Princess Petallana, isa sa mga doktor na nakatalaga sa Adult Infectious Diseases Unit ng San Lazaro Hospital.
Nasa 57 na ang kabuuan ng pasyenteng may leptospirosis sa San Lazaro Hospital, matapos madagdagan pa sa buong magdamag ng Sabado ng 23 pang katao na tinamaan ng nasabing sakit na nagmula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Hindi pa naman aniya, umabot sa 65-bed capacity ang leptospirosis ward subalit kulang naman ang mag-aasikaso sa mga pasyente, bukod pa sa kakulangan ng gamot. Ito’y sa kabila aniya, nang pagpull-out nila ng mga nurse mula sa ibang department at wards.
Ang may malalang kondisyon ay kailangang sumailalim sa dialysis na pinoproblema nila dahil sa apat lamang aniya, ang kanilang hemodialysis machine at tatlong nurse lamang ang maaaring mag-operate nito.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na handa silang magpadala ng health workers, gamot at iba pang kinakailangan sa DOH hospitals.
Umapela na ang DOH na magtungo na ang ibang pasyente sa iba pang ospital at huwag nang magdagsaan sa San Lazaro at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
“’Wag nating kalimutan na hindi lang NKTI ang gumagawa ng dialysis. Ang dialysis ginagawa ‘yan sa halos lahat kundi lahat ng ospital. At meron ding freestanding dialysis centers,” ani DOH Spokesperson, Dr. Albert Domingo.
Sa pinakahuling tala, nasa 70 pasyente ang na-admit sa NKTI nitong Biyernes na dahilan din para hilingin ng NKTI na dagdagan ang nurses ng 20 at 10 pang medical doctors, na nagawa namang padalhan na ng DOH hospitals at Philippine Red Cross.
Nitong Hulyo 1-27, nasa 1,400 na ang kaso ng leptospirosis, ani Domingo.
Nilinaw rin ni Domingo na mahalaga ay tumawag muna sa telephone number 8531-0037 bago dalhin ang pasyenteng may leptospirosis upang malaman kung saan may bakante pang kama.
Naglabas na rin ng memorandum ang DOH na nag-uutos sa lahat ng ospital sa National Capital Region (NCR) na i-activate ang kanilang Leptospirosis Surge Capacity Plan bilang paghahanda sa posibleng mas malaking pagtaas ng mga kaso habang nagpapatuloy ang tag-ulan.