MANILA, Philippines — Sa halip na mga ‘tulak’ at addict ng droga, tatargetin ng Philippine National Police (PNP) ang mga pinanggagalingan at supplier ng illegal drugs sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil kaugnay ng umano’y pinaigting na anti-illegal drugs strategy kung saan inaasahan na mababasawan ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga street-level pushers at users.
Ayon kay Marbil mas nakapokus sila sa mga high value drug personalities na utak ng bentahan ng malalaking bulto ng iligal na droga at kumikita ng malaki.
“We are now focusing on high-value drug personalities and the movements of illegal drugs across the country. These are the real targets—those who orchestrate the trade and profit from it, not the street-level pushers and users, who are often victims of circumstance,” ani Marbil.
Naniniwala si Marbil na mas epektibo ang bagong estratehiya dahil mahalaga ang buhay ng tao at ang mga street level pushers at users ay biktima lamang ng pagkakataon.
Bunsod nito, tiniyak ni Marbil na pag-iibayuhin pa ang intelligence operations ng PNP at ang matatag na kooperasyon sa mga komunidad upang tuluyang mabuwag ang drug trafficking networks.
Inihalintulad ni Marbil sa mythical creature na “Hydra” ang bagong istratehiya kontra iligal na droga kung saan tatargetin nila ang puno o katawan ng sindikato upang hindi na dumami pa.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mas pabor siya sa “bloodless” campaign laban sa illegal drugs.