MANILA, Philippines — Tinawag na “moro-moro” ng isang dating pastor ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang isinagawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pangunguna ni NBI-Region 11 director Archie Albao na umano’y nagbebenepisyo kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Arlene Stone, dating pastor ng KOJC ikinagulat niya nang malaman na si Albao ang nanguna sa pagsalakay sa KOJC compound samantalang “malapit” umano ang naturang police official kay Quiboloy.
Ang “scripted” na raid umano ay isinagawa ng NBI matapos magpahayag si Police Regional Office 11 (PRO-11) Regional Director PBrig. Gen. Nicanor Torre na si Quiboloy ay nasa loob pa rin ng KOJC compound.
Ani Stone, inunahan nila ang PNP upang palitawin na kumikilos sila.
Kapansin-pansin din ang umano’y pagiging magiliw ni Albao sa mga miyembro ng KOJC sa panahon ng operasyon.
Ibinunyag din ni Stone na noong panahon na siya ay nasa KOJC, regular niyang inaabot ang mga sobre na may lamang pera kay Albao.
Ang raid na naglalayong imbestigahan ang mga aktibidad ni Quiboloy ay nagdulot ng malubhang pagdududa sa integridad ng mga aksyon ng NBI.
Nabatid na pangunahing complainant sa kaso laban kay Quiboloy si Stone.
Dahil dito, nanawagan si Stone kay NBI Director Jaime Santiago na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga aksyon ni Albao na umano’y nagsisilbi ring informant ni Quiboloy.