MANILA, Philippines — Kinumpirma ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na sasama sila sa gagawing tatlong araw na protesta ng grupong Manibela sa August 14 hanggang August 16.
Sa panayam ng PSN, sinabi ni Mody Floranda, national President ng Piston na hihigitan nila ang araw ng protesta ng Manibela dahil hindi lamang sa Metro Manila gagawin ang kanilang pagkilos kundi pati na rin sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Anya, inaasahan ng Piston na aabutin ng may 70 percent hanggang 80 percent ang paralisasyon sa biyahe ng mga pampasaherong sasakyan sa gagawin nilang ibat ibang uri ng protesta ngayong buwan.
“Ang buwan ng Agosto ay tinawag naming ‘Buwan ng Protesta’ kaya ‘yung tatlong araw na pagsama namin sa rally ng Manibela ay hihigitan pa namin ng Piston dahil hindi lamang Metro Manila ang konsentrasyon”, pahayag ni Floranda.
Iginiit nito na dapat muling pag-aaralan ang PUV modernization na itinutulak ng LTFRB at DOTr dahil wala pa naman itong katiyakan na may totoong tulong para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa at mapapabuti ang kabuhayan ng mga maliliit na tsuper sa bansa.
“22 senador ang pumirma para sa suspension ng PUV modernization kaya dapat muling pag-aralan ang programang ito at kung talagang may hatid na tulong sa aming hanay, naglabas ang LTFRB ng resolosyon noong April 30 na 80 percent ang nag- comply sa modernization pero may 244 ruta sa Metro Manila ang non-compliant sa programa at 2,600 ruta ang non compliant sa consolidation, yang datus ng LTFRB ay pinangatawanan na nila at ibinigay kay PBBM pero hindi muna nila inalam kung anu ang epekto ng programa sa aming maliliit na tsuper” dagdag ni Floranda.
Binigyang diin nito na patuloy nilang kakalampagin ang gobyerno sa buong buwan ng Agosto dahil sa anilay hindi makatwirang pagpapatupad ng PUV modernization na hindi pabor sa sambayanang Pilipino partikular sa maliliit na driver at operator ng pampasaherong sasakyan sa bansa.