MANILA, Philippines — Inihayag ng bagong pangulo ng Homeowners Association Multinational Village sa Parañaque City na seryosong ipatutupad ang paglilinis sa kanilang komunidad laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) upang mabago ang imahe nito na ‘kuta’ at taguan ng mga puganteng miyembro ng POGO.
Ayon kay Arnel Gacutan, isang malaking hamon ang pagdeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na total ban na ang POGO sa bansa.
Aniya, personal siyang bubusisi at mag-iikot upang tuklasin kung may natitira pang mga naninirahan sa kanilang village na miyembro ng POGO dahil nakababahala ang naging epekto sa kanila partikular sa mga nangyaring raid na nagdulot ng pangamba at takot hanggang sa mga kabataan.
Inamin ni Gacutan na sadyang maraming Pinoy ang nalinlang ng POGO dahil sa laki ng mga ibinabayad nito sa mga paupahang bahay at dahil na rin sa tindi aniya, ng mga maniobrang ginagawa ng mga ito sa iba’t-ibang pamamaraan na nagdala ng perwisyo sa malalaking villages at exclusive subdivision sa ibat ibang lugar hindi lamang sa Multinational.
“Kaya nga po dapat tayong maglinis, magbantay at higit sa lahat ay maging mapanuri. Iyan po ang unang gagawin natin ngayon na isyu na ng DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development) ang kanilang desisyon na nagpapatunay na may karapatan na tayo na umupo at magpatupad ng mga pagbabago sa loob ng Multinational Village dito sa Parañaque. Napakarami rin naman mga Filipino-Chinese natin na homeowners na kaagapay natin para mapanatiling maayos ang village. Gusto nating siguruhin na ang lahat ng ating mga home-owners ay mabibigyan ng proteksyon at prayoridad upang masigurong ligtas ang bawat isa dito sa ating village,” ani Gacutan.
Umapela rin si Gacutan sa Parañaque Police na maipatupad ang Writ of Execution na inisyu ng DHSUD na mahinahgong bakantehin ng mga dating opisyal ng asosasyon ang upang magampanan ng mga bagong halal ang kanilang tungkulin.