MANILA, Philippines — Nagkasang muli ang grupong Manibela ng tatlong araw na tigil-pasada sa susunod na linggo.
Ito’y kasunod na rin ng ginawang pagbasura ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa inilabas na resolusyon ng Senado na nagrerekomenda ng pansamantalang suspensiyon sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Mismong si Manibela president Mar Valbuena ang nag-anunsiyo ng idaraos nilang transport strike mula Agosto 14-16, na natapat sa mga araw ng Miyerkules hanggang Biyernes.
“Hindi po kami nananakot. Sa susunod na Miyerkules kung wala pong malinaw na direktiba galing Malacañang, Department of Transportation, o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kung papaano itong minorya na natitira, strike po kami,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan ay nagpalabas ang Senado ng resolusyon na nagrerekomenda sa temporary suspension ng PUVMP na tinututulan naman ng mga transport cooperatives na tumalima sa programa.
Hindi rin naman pinaboran ng pangulo ang resolusyon na nilagdaan ng 22 senador, at sa halip ay nanindigan sa kanyang suporta sa naturang modernization program, na mas kilala na ngayon sa tawag na Public Transport Modernization Program (PTMP).