MANILA, Philippines — Nadakip na ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspendidong pulis at misis nito sa umano’y nagnakaw ng walong mountain bike na inisyu ng QC LGU bilang patrol bike, sa ikinasang operasyon sa San Juan City, kamakalawa.
Kinumpirma ni QCPD Director, PBGen. Redrico Maranan, ang pagkakaaresto sa pulis na isang police corporal na dating nakatalaga sa QCPD tactical motorized unit.
Binitbit ang mga suspek mula sa kanilang bahay sa Barangay Corazon De Jesus.
Nadiskubreng nawawala ang walong mountain bike nitong Agosto 2, dakong alas-6:30 ng umaga sa harap ng QCPD Grandstand, Camp Karingal, Barangay Botocan, Quezon City nang magsagawa ng inspection ang DTMU.
Nagulat na lamang ang mga pulis na nanakaw ang patrol bike nang makita sa market place na binebenta na ang mga mountain bikes ng P3,000 bawat isa.
Ayon naman sa seller hindi niya alam na nakaw mga mountain bikes at binayaran lang niya ang pulis ng halagang P24,000.
Inihahanda na ang kaso laban sa pulis at misis nito.