Anak na may sakit sa pag-iisip, minartilyo ng ama, patay

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Imel­da Cataga Baraguiel, 26-anyos, may dating live-in partner, residente sa nasabing lugar. Siya ay idineklarang dead-on-the-spot dahil sa ma­tinding pinsala sa ulo at hataw ng martilyo sa braso at katawan
STAR/File

MANILA, Philippines — Wasak ang ulo ng isang 26-anyos na babae na sinasabing may “mental disorder” matapos hatawin ng sari­ling ama ng martilyo na kanyang naagaw mula sa anak na biglang umatake at tinangka siyang paslangin sa loob ng kanilang tahanan, kama­kalawa ng umaga sa Barangay San Vicente, San Narciso, Quezon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Imel­da Cataga Baraguiel, 26-anyos, may dating live-in partner, residente sa nasabing lugar. Siya ay idineklarang dead-on-the-spot dahil sa ma­tinding pinsala sa ulo at hataw ng martilyo sa braso at katawan.

Agad namang naaresto ng awtoridad ang amang suspek na nahaharap sa kasong “parricide” na si alyas “Salvador”, 53, balo, isang magsasaka at residente ng Sitio Lomboy, Brgy. San Vicente, San Narcisio, Quezon.

Sa ulat ng San Narciso Police, nakatanggap ng cellphone call ang kanilang istasyon mula sa isang opisyal ng Brgy. San Vicente na si Kagawad Rosally Roda na nagsasabing may isang patay sa tahanan ng pamilya-Baraquiel.

Ayon sa salaysay sa pulisya ni Rosie Francisco, pinsan at kapitbahay ng biktima, bandang alas-6:00 ng umaga noong Agosto 6 nang marinig niyang sumisigaw si Imelda at hinihinalang inaatake muli ng kanyang sakit sa pag-iisip. Aniya, wala na siyang alam sa kasunod na pangyayari dahil sa umalis na siya para ihatid ang kanyang mga anak sa paaralan.

Nabatid na habang umaatake ang kanyang sakit, nawalan umano ng kontrol sa sarili ang biktima hanggang sa pinagtangkaan umano nitong patayin ang kanyang amang si Salvador.

Lumalabas sa imbestigasyon na kapwa nasa kanilang bahay ang mag-ama at mag-aalmusal na sana nang bigla diumanong atakihin ng kaniyang sakit ang biktima at sinugod nito ang ama hawak ang isang martilyo at tinangkang pukpukin.

Imbes na siya ang mapatay, mabilis umanong inagaw ng ama ang martilyo at dito na niya pinaghahataw ang anak. Basag ang ulo ng biktima, bukod pa sa mga sugat at pasa nito sa braso at katawan.

Binanggit naman ng mga saksi sa himpilan ng pulisya na hindi nakakakilala ang biktima kapag sinusumpong ng sakit at iniiwasan na lamang siya ng mga kapitbahay upang hindi mapagbuntungan ng pananakit nito.

Show comments