Malalaswang video ng mga anak ibinebenta online
MANILA, Philippines — Arestado sa entrapment operation ng NBI-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) sa Caloocan City ang dalawang ina na sangkot sa umano’y pagbebenta ng malalaswang larawan at video ng kanilang mga anak online.
Ayon kay NBI Dir. Jaime Santiago, nag-ugat ang operasyon sa impormasyon na mula sa kanilang mga foreign counterparts sa Estados Unidos, lalo at karamihan umano ng parokyano ng mga suspek ay mga dayuhan na inaalok ng mga malalaswang content.
Agad na sumailalim sa surveillance ang mga suspek kasabay ng ikinasang entrapment operation.
Armado ng warrant of arrest ang NBI habang isang kustomer ang nagpanggap kaya agad na dinakma ang dalawang nanay.
Ang 2 suspek ay sinampahan na ng patung-patong na kaso kabilang ang qualified trafficking at violence against women and children.
Nasagip naman sa operasyon ng VAWCD ang anim na menor-de-edad na mula 14-anyos hanggang 2 months old. Nasa pangangalaga na ang mga ito ng shelter.
Isinasailalim na rin sa forensic investigation ang mga nakumpiskang gadget sa bahay ng mga suspek.
Muli namang iginiit ni Santiago na hindi rason ang kahirapan para sa mga ganitong iligal na aktibidad at tiniyak na hahabulin nila ang lahat ng sangkot sa online exploitation.
Sinampahan na ng multiple counts ng paglabag sa Online Sexual Abuse o Exploitation of Children (OSAEC) or Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) under RA 11930, Qualified Trafficking sa ilalim ng RA9208 na inamyedahan ng RA11862, Child Abuse law sa ilalim ng RA7610 at Rape by sexual assaults sa ilalim ng RA 8353 ang suspek sa Department Justice.