Kaloob ng manila LGU
MANILA, Philippines — Makakatanggap ang gymnast na si Carlos Edriel Yulo ng P2 milyon, habang P500,000 naman ang ipagkakaloob kay pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena ng Manila City Government bilang gantimpala sa ipinagkita nilang galing sa kanilang paglahok sa 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, bukod sa naturang gantimpala, inihahanda na rin nila ang ‘grand heroes’ parade’ para kina Yulo at Obiena, na kapwa Manilenyo.
Nabatid na si Yulo ay makakatanggap ng kabuuang P2 milyon mula sa lokal na pamahalaan, o tig-P1 milyon para sa bawat gintong medalya na kanyang napanalunan.
“This is our way of honoring his talent, dedication, and outstanding contribution to Philippine sports,” ani Lacuna. “Deserve yan ni Caloy, na isang proud Manileño, nag-aral sa Aurora A. Quezon Elementary School sa Malate, ilang beses naging pambato ng Maynila sa Palarong Pambansa, at nag-kolehiyo sa Adamson University dito sa Maynila.”
Dagdag pa ng alkalde, nakaukit na si Yulo sa kasaysayan sa pagkapanalo ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Samantala, bilang pagkilala naman aniya sa pagsusumikap, pasasalamat sa tiyaga at natatanging performance ni Obiena ay pagkakalooban din siya ng pamahalaang lungsod ng Maynila ng P500,000 na premyo.
“Heto naman pong si EJ Obiena, despite narrowly missing a podium finish, has shown extraordinary talent and sportsmanship, achieving a commendable 4th place in the pole vault finals at the 2024 Paris Olympics,” pahayag pa ni Lacuna. “Si EJ Obiena po ay mula sa Tondo, Maynila. Nag-high-school sa Chiang Kai Shek College, at naging pambato ng UST-Manila sa UAAP.”
Nabatid na iaanunsiyo ng lokal na pamahalaan sa mga susunod na araw ang mga detalye para sa grand heroes’ parade para sa mga naturang atleta.