MANILA, Philippines — Tugis ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang suspendidong pulis at.misis nito makaraan umanong nakawin at ibenta sa market place ang mga bike patrol ng mga pulis sa lungsod.
Nabatid na inutos ni QCPD Director PBGen.Redrico Maranan ang manhunt laban sa suspendidong pulis at misis nito makaraang magreklamo ang nasa walong pulis na nawalan ng inisyung mountain bikes para sa kanilang pagpapatrol.
Batay sa record miyembro ang suspek ng District Tactical Motorized Units, Quezon City Police District (DTMU, QCPD) at nakatalaga bilang Bike Patroller.
Suspendido ang suspek mula Hulyo 16, 2024 hanggang Enero 11, 2025 dahil sa kasong administratibo.
Nabatid na nadiskubre ang pagkawala ng mga mountain bikes noong Agosto 2, dakong alas 6:30 ng umaga sa harap ng QCPD Grandstand, Camp Karingal, Barangay Botocan, Quezon City.
Nagsasagawa ng inspection ang DTMU sa inisyung mountain bikes nang mapansin ng walong pulis na nawawala ang kanilang mga bisikleta. Agad na nagbigay ng salaysay walong pulis.
Sa pagse-search naman sa social media ng isa ring biktimang pulis, nakita niya ang nawawalang mountain bikes na binebenta sa halagang P3,000.
Inamin ng nagbebenta na nabili niya ang pitong mountain bikes sa halagang P24,000 sa suspendidong pulis.
Dinala ng suspek sa kanya ang mga mountain bikes kasama ang misis nito..
Hindi na nabawi ang isa pang mountain bike. Nagsasagawa na follow up operation ang QCPD.