Hero’s welcome kay Yulo ikinakasa sa Maynila
MANILA, Philippines — Naghahanda na ang mga Manileño sa gagawing hero’s welcome para kay Carlos Edriel “Caloy” Yulo makaraang masungkit nito ang gold medal sa men’s artistic gymnastics floor exercise sa Paris 2024 Olympic nitong Sabado.
“Manileño po si Caloy Yulo. Taga-Leveriza. Kaya sobrang proud at happy po kami para sa kanya,” pahayag ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Ayon kay Chua, bilang pagkilala sa pambihirang achievement na nakamtan ni Yulo ay pinaplano ng lungsod ng Maynila na bigyan siya ng “hero’s welcome” sa kaniyang pagbabalik sa bansa.
Inianunsiyo na rin kahapon ni Mayor Honey Lacuna ang ginagawang paghahanda ng Manila City Government para sa hero’s welcome sa pag-uwi ng Gold Olympic Medalist na si Yulo.
Ayon kay Lacuna, isang bonggang hero’s welcome ang ibibigay nila kay Yulo, gayundin sa lahat ng Paris Olympians na babalik sa bansa.
Bukod rito, makatatanggap din aniya si Yulo mula sa lokal na pamahalaan ng cash incentives, awards, at simbolo ng ‘eternal gratitude.’
“The people of Manila, the entire Philippines, and all Filipinos all over the world rejoice at Carlos Edriel Yulo’s spectacular gold medal performance at the Paris Olympics. Our hearts leaped in our chests as Caloy leaped high in the air. We stomped our feet on the floor as Caloy nailed those solid landings that felt like earthquakes. Our eyes glowed in admiration as Caloy showed sure control as he executed that perfect handstand,” anang alkalde.
Ipinagmalaki rin ni Lacuna na ang isang “Outstanding Manilan Awardee” ay isa nang Olympic Gold Medalist ngayon.
Una na ring nagpasa ng Resolution No. 388 ang Manila City Council bilang pagkilala sa pagkapanalo ng magkapatid na Carlos at Karl Eldrew Yulo sa Artistic Gymnastics Asian Championship sa Tashkent Uzbekistan noong Mayo 19, 2024.
- Latest