MANILA, Philippines — Iniutos ni Muntinlipa City Mayor Ruffy Biazon sa City Health Office ng lungsod sa pangunguna ni Dr. Juancho Bunyi na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa reklamo ng mga tenant ng isang condominium sa Alabang na may halo umanong “dumi” ng tao ang tubig na dumadaloy sa kanilang gripo.
“May halong dumi ng tao ang pinangliligo at pinangtu-toothbrush namin,” galit na pahayag ni Monalie Dizon, isa sa mga tenants ng The Levels Burbank Condominium sa Alabang, Muntinlupa nitong Biyernes.
Sa panayam kay Dizon, napansin nila na may kakaibang amoy at may kulay ang tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo.
Bunsod nito, minabuti nilang ipasuri ang water sample sa isang laboratoryo at nakumpirma na may iba’t ibang klaseng bakteryang dala ang nasabing water supply na nakasasama sa kalusugan ng tao.
Halos mangiyak-ngiyak sa galit si Dizon habang ipinakikita ang mga larawan at video ng mga maruruming tubig na nagmula sa kanilang mga gripo.
“Malagkit sa balat at mabaho. Biro mo na ipangligo at naipang-toothbrush namin ‘yung tubig,” ani Dizon.
Nangangamba na ang mga residente na posible silang magkasakit dulot ng nasabing suplay ng tubig.