Binondo fire: 11 patay

Ang nasunog na commercial at residential building sa Binondo, Manila kung saan 11 katao ang na-trap at nasawi kahapon ng umaga.

MANILA, Philippines — Labing-isa katao ang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang gusali sa Binondo, Manila, kahapon ng umaga.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pangalan ng mga biktima.

Batay sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog dakong alas-7:20 ng umaga sa canteen ng apat na palapag na residential-commercial building sa Carvajal St,. sa Binondo.

Sinasabing nagsi­mula ang sunog sa isang tumagas na tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) ng kantina.

Dakong alas-10:04 ng umaga nang mai­deklarang fireout ang sunog.

Ayon kay Kagawad Nelson Ty, ng Barangay 289, na-trapped ang mga biktima at hindi na nakalabas, na nag­resulta sa kanilang kamatayan.

Samantala, nagpaabot naman si Manila Mayor Honey Lacuna nang pakikiramay sa mga biktima.

Kaagad ring nagpadala ng tulong ang alkalde para sa kanilang pamilya.

Inaantabayanan pa umano ng pamahalaang lungsod ang opisyal na ulat mula sa Manila Disas­ter Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa nangya­ring  trahedya.

Show comments