60-day deadline ng BI para umalis ng bansa ang foreign nationals na POGO workers, sinuspinde ng DOJ
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Department of Justice (DOJ) ang 60-araw na deadline na itinakda ng Bureau of Immigration (BI) para sa mga foreign nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) upang umalis ng bansa.
Ito’y dahil kailangan pa umanong ayusin ang mga istratehiya ng pamahalaan sa pag-phase out ng gaming industry sa pagtatapos ng taon at gawin itong organisado.
Tinukoy ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kautusan na inilabas ng BI noong Hulyo 24, kasunod ng kautusan ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na i-ban na ang mga POGO sa bansa.
Ipinaliwanag ni Remulla na hindi maaaring independiyenteng umaksyon ang BI sa deadline nito.
Dagdag pa niya, ang unang opsiyon pa rin para sa mga dayuhang POGO workers ay boluntaryong umalis ng bansa.
Hihingi rin ang DOJ ng klaripikasyon mula sa BI hinggil sa panuntunan na dapat sundin dahil ito ay dapat na ‘in consonance,’ sa December 31 deadline na itinakda ng pangulo.
“We don’t want people to be panicking because they did an order without consulting us,” ayon kay Remulla.
Una na ring sinabi ng BI na humingi na sila sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ng listahan ng mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO, na ang lisensiya ay suspendido na o hindi na na-renew.
Gagamitin din umano nila ang naturang impormasyon upang matunton ang mga dayuhan na maaaring ilegal na nananatili sa bansa, kahit pa sarado na ang kanilang mga kumpanya.
Babawiin rin umano ng BI ang working visa ng mga foreign POGO workers at hindi na aaprubahan pa ang mga nakabinbin at bagong aplikasyon para sa visa para sa POGO at internet gaming licensees (IGLs).
- Latest