MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Kyrgystani na ipinade-deport ng ahensiya dahil sa pagiging overstaying at pagkakaugnay sa West African Drug syndicate.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ang dayuhan na si Anara Ruslanova, 29, na naaresto sa isang residential village sa Makati City.
Armado ng mission order mula kay Tansingco ang mga operatiba nang isagawa ang pagsalakay at pag-aresto kay Ruslanova na kasalukuyan nang nakapiit sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaantabayanan ang kaniyang deportasyon dahil sa pagiging undesirable at overstaying alien.
Nagpahayag naman ng paniniwala ang mga operatiba na si Ruslanova ay mayroong kaugnayan sa mga miyembro ng West African syndicate na naaresto ng BI at ng National Bureau of Investigation (BI) sa isang bar sa Makati noong Hunyo 20, 2022.
Iniimbestigahan din umano ito ng NBI hinggil sa kanyang nalalaman sa mga aktibidad ng West African syndicate, partikular na sa kanilang illegal drug trading activities.
Batay sa record, ang dayuhan ay dumating sa bansa noong Oktubre 4, 2018 at hindi na muling umalis pa.
Hindi rin umano ito nag-aplay ng anumang uri ng visa upang pahabain ng legal ang kanyang pananatili sa bansa.