MANILA, Philippines — Umaabot sa 2,000 residente ng lungsod Quezon ang nagpahayag ng kanilang kasiyahan matapos na mabigyan ng iba’t ibang government services kabilang na ang serbisyong medical sa programang ‘Lab for All’ ng Unang Ginang Liza Araneta-Marcos kahapon ng umaga.
Kasama si QC Mayor Joy Belmonte at iba pang gabinete ng pamahalaan, personal na sinaksihan ng First Lady ang pagbibigay ng gamot, laboratory at iba pang serbisyo sa mga residente na nagtungo sa Risen Garden sa QC Hall Complex.
Ayon kay Marcos, layon ng ‘Lab for All’ na madala sa bawat komunidad at mga ordinaryong Pilipino ang serbisyong medical tungo sa pagpapalakas ng sektor ng kalusugan sa bansa.
Karaniwan aniyang hindi nagagawa ng isang indibiduwal dahil na rin sa kakulangan ng panggastos at panahon.
Ani Marcos, mahalagang namomonitor ang kalusugan ng bawat indibiduwal dahil mas mahalaga ng buhay at kalusugan kumpara sa lahat.
Nagpasalamat naman si QC Mayor Joy Belmonte kay First Lady Liza sa malasakit nito para sa nasa 2,000 mga residente ng lungsod lalo na sa mga benepisyaryo na ang ilan ay nabiktima ng nagdaang bagyong Carina at habagat.
Bukod naman sa serbisyong medikal, suportado rin ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang ‘Lab for all’ na nag-setup din ng kanilang mga booth para ilapit ang kanilang mga serbisyo sa mga residente ng lungsod.
Nagtayo rin ng booth kanilang mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa pagbibigay ng iba pang government services.
Kabilang dito ang Department of Interior and Local Government (DILG) ni Secretary Benhur Abalos, Department of Social Welfare and Development (DSWD) ni Secretary Rex Gatchalian, Commission on Higher Education (CHED) ni Chairman Popoy De Vera, Department of Health (DOH) ni Secretary Ted Herbosa, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President at CEO Emmanuel Ledesma, at Public Attorney’s Office (PAO) ni Chief Persida Rueda-Acosta.