MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na doble na ang matatanggap na cash gifts ng mga senior citizen sa lungsod para sa kanilang kaarawan.
Nabatid na ito’y dahil epektibo na kahapon, Agosto 1, Huwebes, ang Ordinance No. 40 Series of 2024 na may titulong “Ordinance Increasing the Grant of Birthday Cash Gift to All Bonafide Senior Citizens in the City of Marikina and Appropriating Funds Therefore,” na nilagdaan ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro kamakalawa.
Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ang lahat ng mga bonafide senior citizen sa Marikina City ay makakatanggap ng tig-P2,000 tuwing araw ng kanilang kaarawan bilang pagkilala na rin sa kanilang kontribusyon sa Lipunan.
“Increasing this amount by an additional P1,000, for a total of P2,000, will provide greater financial assistance to senior citizens, helping to address their unique needs and improve their quality of life, thereby promoting their well-being and dignity,” dagdag pa nito.
Nabatid na noong 2016, ipinasa ng lokal na pamahalaan ang Ordinance No. 60 na nagkakaloob ng P1,000 sa mga senior citizens para sa kanilang kaarawan.
Batay sa datos ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), mayroong 96,000 senior citizens sa Marikina.