MANILA, Philippines — Iniulat ng Valenzuela local government na may mga lugar pa sa lungsod ang hindi madadaanan ng mga sasakyan dahil sa tubig-baha.
Nabatid na hanggang kahapon ng umaga, nasa 16 na pulgada hanggang tuhod ang tubig-baha sa bahagi ng Pasolo Road, gayundin sa Rivera St. sa Polo na aabot pa sa 28 pulgada ang lalim ng baha.
Ang iba pang lugar na hindi pa passable sa light vehicles ay ang Dulong Tangke St. sa Malinta habang humupa na ang baha sa Tagalag Road at Rincon Road.
Ang kahabaan ng Mc Arthur Highway mula Tullahan hanggang Don Pedro Subd. sa Marulas ay “passable” na sa lahat ng uri ng sasakyan. Gayundin ang J.P. Rizal hanggang Valenzuela Town Center, Alert Center Malinta hanggang Balubaran, BDO Dalandanan at BRT Dalandanan, Wilcon Dalandanan hanggang Stop Light Dalandanan at Valenzuela Cockpit.
Humupa na rin ang tubig-baha sa bahagi ng Maysan-Paso De Blas-NLEX at Bagbaguin. May tubig-baha pa rin sa Pariancillio Villa Road at P. Deato Road pero nadadaanan na rin ito ng mga sasakyan.
Samantala, nabawasan na ang mga pamilya sa evacuation centers sa lungsod, sa ngayon ay nasa 1,932 na pamilya o 7,369 indibidwal na lamang ang natitira.