MANILA, Philippines — Mahigit P500,000 halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa tatlong ‘tulak’, sa magkahiwalay na operasyon sa Las Piñas City, at Parañaque City, nitong Biyernes at Sabado.
Dakong alas-11:55 ng gabi ng Hulyo 26 nang maaresto si alyas “Mark”, 33-anyos, construction worker, sa isinagawang “Oplan Sita” ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Las Piñas City Police Station, sa Alido Bridge River Drive, Barangay Zapote.
Nasamsam kay Mark ang 17-plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang 55 gramo na nagkakahalaga ng P374,000.00.
Samantala, ang dalawa pang suspek na sina alyas “Angel”, 23; at alyas “Rojan”, 22, ay nalambat sa isinagawang buy-bust operation ng Parañaque City Police Station Drug Enforcement Unit dakong alas-4:30 ng hapon ng Hulyo 27, sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Nakumpiska ang 25 gramo ng hinihinalang shabu katumbas ang halagang P170,000.00 at narekober ang buy-bust money.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) section 11 (possession) si Mark, habang section 5 (selling) at 11 (possession) ng nasabing batas sina Angel at Rojan.