MANILA, Philippines — Nasa 2,000 residente ng Maynila mula distrito 1 at 2 na nasalanta ng bagyong Carina ang naayudahan ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. kahapon.
Unang namahagi ng 1,000 gift packs ang PCCCI sa Del Pan Evacuation Center sa Tondo, Maynila at sinundan ng Patricia Paraiso Complex sa Abad Santos sa Maynila.
Ayon kay PCCCI President Arian Hao, pakikipagkapwa at pagtulong ang nanaig sa kanilang grupo upang bahaginan ng tulong ang mga nasalanta.
Aniya, tuluy-tuloy ang kanilang pamamahagi sa mga nangangailangan sa iba pang distrito ng lungsod
Binigyan diin naman ni Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto na kailangan ng Maynila ang mga private sector sa pagbibigay ng ayuda.
Sinabi naman ni Manila 2nd District Cong. Rolan Valeriano na malaking tulong sa mga residente ng Maynila ang hatid na ayuda ng PCCCI sa mga hinagupit ni Carina.
Samantala, sinabi ni Valeriano ang pagbaha ang isa sa sisilipin ng kanyang komite sa Miyerkules.
Ipatatawag ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority( MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga local government units upang matukoy ang dahilan ng mga pagbaha at ang ginagawang flood control projects.