Suicide o aksidente?
MANILA, Philippines — Patay ang isang 24-anyos na trainee/applicant ng Philippine Navy na nadiskubreng nahulog mula sa itaas ng itinayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete ang biktimang si alyas Reno, tubong Maguindanao Del Sur at nanunuluyan sa Naval Intelligence and Security Force (NISF) sa Fort Bonifacio, Taguig.
Batay sa ulat ni Taguig Police Station, chief P/Col. Christopher Olazo, alas-7:00 ng gabi nang nagmamadaling pumasok sa Gate 1 ng construction site ng New Senate Building (NSB) sa Chino Roces Ext. Brgy.
Fort Bonifacio ang biktima patungo sa ikatlong palapag ng gusali habang hinahabol ng kanyang kasamang cadet applicant din na si alyas James.
Ipinarating ni alyas James sa nakatalagang security guard ang pagpasok ng biktima sa gusali kaya’t pinanood kaagad ang kuha ng CCTV subalit bigo silang mahanap ang Navy applicant.
Dakong alas-9:00 ng gabi nang makarinig ng malakas na kalabog ang mga guwardiya sa Material Recovery Facility (MRF) at doon nadiskubreng wala nang buhay ang biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung saang palapag ng gusali nagmula ang biktima at kung sadyang tumalon o aksidenteng nahulog na naging sanhi ng kagyat na kamatayan.
“It is with deep sorrow and concern that we confirm the tragic incident that occurred last night involving an individual who fell from the construction site of the Senate building along Chino Roces Ave. Extension Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City”, ani Atty. Arnel Jose Bañas, spokesperson ng Senado.
Agad na ipinalam kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ang nangyari at ipinag-utos na nito ang pagsasagawa ng isang malalimang imbestigasyon. Pinare-review na rin ang security protocols sa construction site.
Idinagdag ni Bañas na nakikiramay ang Senado sa pamilya ng nasawi.
Suportado rin aniya ng Senado ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman kung ano ang totoong nangyari.