MANILA, Philippines — Ipinagpaliban ng pamahalaang lungsod ng Marikina at Valenzuela ang pagbubukas ng klase sa darating na Lunes at itinakda ito sa Agosto dahil sa pananalasa ng bagyong Carina at Habagat.
Sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa halip na sa Lunes, Hulyo 29, itinakda ang school operning sa Agosto 5 para sa lahat ng antas sa public at private schools sa lungsod.
“In the wake of the recent devastation caused by Typhoon Carina and the declaration of a state of calamity in our City, we are compelled to announce the postponement of the opening of classes at all levels for all public and private schools in Marikina, initially set for July 29, 2024,” anang alkalde.
Ang desisyon umano ay nabuo matapos ang maingat ginawang konsultasyon sa School Division Office ng Marikina at mga maapektuhang pamilya.
Sinabi ni Teodoro na prayoridad nila sa naturang desisyon ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad, partikular na ang mga estudyante, guro at mga magulang, na naapektuhan ng kalamidad.
Marami pa rin aniyang mga paaralan ang nagsisilbi pa ring evacuation centers sa ngayon para sa mga pamilyang hindi pa makauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Itinakda rin ng Valenzuela City government ang pagsisimula ng klase sa elementary at high school mga pampublikong paaralan sa Agosto 5.
Ayon kay Mayor Wes Gatchalian ito’y batay sa rekomendasyon ng Division of City Schools - Valenzuela.
Sinabi ni Gatchalian na hindi biro ang danyos na dinulot ng bagyong Carina sa lungsod.
Kailangan pa ring mabigyan ng sapat na oras ang school administration na makapaglinis ng mga classroom at iba pang school facilities.
Samantala, tuluy tuloy pa rin ang monitoring at pagbibigay ng ayuda ng Valenzuela LGU sa mga nasalanta ng bagyong Carina.